Tag Archives: fan

Baston, Pamaypay at Punda

14 Jan

Dahil napagod ang aking isipan sa maghapong paggawa ng mga gawain pampaaralan ay hirap ako makatulog ng Linggo ng gabi nang ika-10 ng Enero, 2026. Mga pasado alas 10 ng gabi na seguro ako nakatulog kalaunan. Habang mahimbing akong nakatulog sa kalamigan ng kuarto ko ay nanaginip ako at ganito ang mga pangyayari na isasalaysay ko sa inyo.

Ang Pagdating ni Nanay sa Bahay

Sa probinsiya namin ay may okasyon na nagaganap sa bahay. Pagtitipon ng buong pamilya at mga kamag-anak. Nagulat ako nang buksan ko ang pinto ng bahay namin ay bumungad sa aking harapan si Nanay. Parang pagod siya na dumating galing sa paglalakad sa gitna sikat ng araw. Naka kulay lila siyang duster na suot. Puti at maiksi ang buhok niya. Ang sabi ko, “Sino kasama ninyo dumating?” “Mag-isa lamang ba kayo?” Hindi siya nakasagot. Mag-isa nga dahil wala akong nakitang kasama niya. Pumasok siya sa bahay pero kalaunan ay lumabas siya ng bahay at umupo siya sa kabilang gilid ng daan na yari sa semento. Walang bangko o upuan doon pero umupo pa rin na para bang namamahinga o may hinihintay. Wala siyang katabi o kausap sa may daanan.

Ang Pag-uwi ni Nanay at Indo Pancing

Nang kalaunan ay nagpasyang umuwi si Nanay. Mabilis ang kanyang paglalakad. Sinusundan ko daw siya para alalayan. Hinawakan ko ang braso niya na payat, malambot, kulubot na parang naglalaylayan na ang mga balat. Pero maliksi at malakas pa rin ang pangangatawan niya kahit na siya ay payat. Ayaw niyang pahawak sa braso kaya binitiwan ko na lang ang braso niya. Nang paliko kami ng daan ay napansin si Nanay na itinapon na baston na yarin sa bakal, itim ang hawakan at itim din ang paanan ng baston. Hindi niya basta makuha dahil nakapulupot ito sa water hose at basa ito dahil sa tumutulong tubig. Ang sabi ni Nanay, “Kailangan ko ito.” habang pilit niyang hinihila yung baston na napupuluputan ng water hose. Mukhang ayos at buo pa ang baston. Nahugot niya rin at nag-umpisa ng maglakad gamit ang bastong nakuha sa harapan ng bahay. Nang akma na kaming papaalis ay may lumabas na babae na may hawak na tatlong pamaypay na may ibat ibang kulay, may kulay berde, dilawan at pula na nakabalot pa ng plastic. Iniaabot ng babae sa amin. Seguro naawa dahil naglalakad kami sa gitna ng araw. Sabi ko kay Nanay, “Baka may may-ari ng baston na yan na napulot natin.” Sumagot yung lalaki na nakasalamin na asawa ng babae na lumabas rin bahay nila. Ang sabi ng lalaki, “Sa inyo na yan dahil may nabili na kaming bago.” Nagpasalamat kami sa lalaki. Habang naglalakad kami ni Nanay, hindi namin namamalayan na nakasunod pala sa amin si Indo Pancing, kapatid ni Nanay na pauwi rin. Si Indo Pancing ay nakasuot ng duster na dirty white ang kulay ng damit. May napulot din siya na mga punda ng unan sa daan sa tapat rin ng bahay na kung saan namin napulot ang baston ni Nanay. Ang mga punda ng unan ay marami kaya nakasayad pa ang mga ito sa lupa habang si Indo Pancing ay naglalakad. Ang punda ng unan ay yari sa manipis na tela na parang tela ng kulambo ang ginamit. Ang mga punda ay parisukat Ang hugis na parang pang throw pillow ito at may ibat ibang kulay rin na light mga kulay nila, may berde, pula, asul, at iba pa.

Nauna nang nauna si Nanay sa paglalakad at hindi ko na natanaw. Nakasunod sa kanya si Indo Pancing na may hila-hilang mga punda ng unan. Ang sabi ko, “Nasaan na si Nanay?” Nakita ko sa malayo na nakarating na si Nanay sa tirahan niya. Nakikita ko sa malayo ang bubungan ng bahay na parang bungalow style nito na isang palapag lamang. Nakita ko si Nanay na nasa harapan ng bahay niya at hindi makapasok dahil nakapadlock pala yung gate nito. Isang lalaki na lumabas sa Isang malapit sa bahay ni Nanay sa gawing gilid sila ng bahay parang si Ca Raul at may dala-dalang baril. Tumayo Yung lalaki na naka puting T-shirt sa kabilang gilid ng kalsada at nakaharap sa harapan ng bahay ni Nanay. Para mabuksan ang gate ay itinutok niya yung baril na dala sa kandado para mabuksan lamang ito.

Nagising ako ng pasado ala una ng madaling araw ng Lunes, ika-12 ng Enero, 2026. Pumasok sa isip ko na parehas pala ang araw ng kamatayan nila Nanay at Indo Pancing, magkapatid sila, na natapat sa hindi inaasahang pagkakataon ay sa tuwing Enero 28 ang death anniversary nilang dalawa. Tapos si Nanay ay namatay ng 1:03 ng hapon at ang kaarawan niya ay sa buwan ng Disyembre.