Mahal kong Nanay,
Kumusta na po kayo? Sana datnan kayo nitong sulat ko na nasa mabuti kayong kalagayan . Batid po namin na naging mabuti kayong ina sa aming mga magkakapatid at lola sa inyong mga apo at apo sa tuhod. Alam po namin kung gaano kayo kadakila bilang isang ina at lola. Naaalala po ba ninyo noong araw habang itinataguyod ninyo ang inyong pamilya kaakibat si tatay? Malaki po ang sakripisyo ninyo sa amin. Simula noong kami ay nasa inyong sinapupunan pa lamang hanggang sa kami ay nagsilaki na. Itinaguyod ninyo po kami ng matiwasay, may pagmamahal at pagsisikap sa buhay. Binigyan ninyo po kami ng magagandang pangaral sa buhay at magkaroon ng pananalig sa Diyos. Lubos po namin kayong pinasasalamatan sa lahat ng mga bagay na ito.
Kaya habang kami ay nasa inyong mga panangin; habang ang sinasabi namin ay inyo pa pong naririnig at naiintindihan; habang tayo po ay magkakasamang tumatawa sa mga makasaysayan at makabuluhang kuwento ninyo sa buhay at mga bagay-bagay na may kapupulutan ng aral sa buhay; nais po namin ipaalam sa inyo na hindi kami magsasawa na makinig sa inyo. Hindi po kami magsasawa na alagaan kayo sa inyong pagtanda. Hindi po namin kayo iiwanan at pababayaan. Handa naming ibigay ang buo naming oras sa inyo sa kabila ng lahat. Mahal na mahal po namin kayo. Ipinagdarasal po namin kayo na sana lagi kayong malusog upang magkakasamasama pa po tayo ng mahabang panahon. Mag-ingat po kayo palagi at naway patnubayan kayo ng Diyos.
Nagmamahal at nagpapasalamat,
Mga Anak at Apo