Tag Archives: pagtatapos

Higit pa sa Pang-unawa at Pagbibigayan

1 Nov

Kagabi ay marami akong napanaginip sa bawat pagkagising ko at makatulog muli. Ang natatandaan ko ay yung huling panaginip ko. Sa panaginip ko ay isa akong graduating high school student. Narinig ko ang tunog ng bell na mag uumpisa na ang practice ng graduation ceremony. Sumilip ako may pintuan ng classroom at tanaw ko sa gawing ibaba na sa may covered court na nakapila na ng maayos ang mga graduating senior students na kompletong nakasuot ng toga na kulay puti sila. Handa na sila sa pagsasanay sa graduation ceremony. Bumalik daw ako sa aking pagkakahiga sa ikalawang palapag na double deck na bankbed na nagsisilbing pahingahan ng mga estudyante na may sakit.  Kinumotan ko daw ang aking sarili. Hindi ako handa sa graduation practice at iniisip ko na pag bumaba ako ay mapapagalitan ako ng mga guro dahil huli na ako na darating sa pila. Kaya nagpasya na lang akong hindi bumaba. Pumasok ang Science department head ng school na kung saan ako nananatili. Tanong niya ako kung bakit hindi ako bumaba sa graduation practice. Ang tanging sagot ko sa kanya ay “Maysakit po ako.” Hindi na niya ako pinilit na bumaba. Maya-maya ay may isang graduating student na lalaki na humahabol sa practice na nagmamadaling bumaba. Tinangka ko siyang habulin sana para may dalawa kami na hindi naka-attend ng graduation practice pero mabilis na siyang nakababa. Wala na ako nagawa kundi bumalik ako sa loob ng kuwarto na pahingahan ng mga estudyante. Nadatnan ko pa rin doon ang Science department head namin at isang estudyanteng babae. Maya-maya ay nakaramdam ako ng gutom at inilabas ko ang aking lunch box at isang lata ng sardinas na hugis oblong at malapad ito. Natatandaan ko ay yung walang laman na lata ng sardinas ay nagsisilbing kainan ito ng pusa namin noong bata pa ako. Inilabas ko ang isang isda at dalawang hipon sa lalagyanan ng lunchbox ko. Inilok ko ang batang babae estudyante na hawak ko ang pritong isda at dalawang malaking hipon na may balat pa. Kinuha ng batang babaeng estudyante ang isang hipon na malaki na nasa gawing gitna habang hawak ko ito ng aking dalawang ang tatlong pirasong ulam. Pagkatapos, inilagay ko ang isda at ang isang hipon na may balat pa sa lunchbox ko at nag-umpisa na akong kumain na naka-kamay lamang.

Nagising na ako at ganap na 5:49 na pala ng umaga ng Linggo. Bumangon na ako sa pagkakahiga dahil umaga na pala. Napagtanto ko na ang tagumpay ay hindi lamang makikita sa larangan ng edukasyon o anumang nakamit mo o narating mo sa buhay kundi matatagpuan mo ito at nakasalalay rin sa wastong pagmamalasakit mo sa kapwa na higit pa sa kompletong pang-unawa at taos pusong pagbibigayan sa pang-araw-araw mong pamumuhay.